About Me

My photo
I'm a girl trapped on somebody's bod. I love Music and Arts and everything that associates with both. I wanna learn how to drive a car and a motorcycle. I wanna try bunjee jumping and some sort of height-freaking stunts. I wanna learn how to swim like an athlete and surf! I wanna learn how to play the piano, drums, guitar and harmonica. I wanna learn how to cook like a chef and bake cakes too! I hate liars and saying goodbyes too for it saddens me a lot. I love to write poems and draw. I always write how I feel. I love animated movies! =)

Sunday, September 26, 2010

PANAGINIP AT IMAHINASYON

092310

Hindi ko na namalayan kung anong oras na ako nakatulog kagabi. Malamang hating-gabi na iyon. Wala pang alas diyes ng gabi ay nakahiga na ako sa aking kutson. Ilang beses ko nang ipinikit ang aking mga mata pero hindi pa rin makatulog ang gising kong diwa. Hindi ako tantanan ng sumasakit kong likod at ulo. 

Umabot sa puntong kung anu-ano na ang pumapasok sa aking isipan. Kung may hawak lang akong papel at kahit anung puwedeng ipanulat, malamang ay nakabuo na ako ng isang istorya. Malabo lang ang ending. Siguro dahil kapag dumarating na sa puntong malapit na ung ending, biglang nawawala sa isip ko ang kuwento. Alam siguro ng isip ko na pangit ang ending. 

Masarap humabi ng kuwento lalo kung hahaluan mo ito ng imahinasyon. Wala kasi itong limitasyon. Mararating mo ang mga lugar na hindi mo pa napupuntahan, mga lugar na sa litrato at sa internet mo lang nakikita. Lalo na ang lugar na pinangarap mong puntahan gamit ang teleportasyon. Sa imahinasyon, makikita mo ang mga taong gusto mong makausap, makakuwentuhan, makaiyakan at makayakap. Makakasama mo ang taong mahal mo at masasabi mo ang lahat ng gusto mong sabihin. Lahat ng laman ng iyong isip at puso. Sa imahinasyon, magagawa mong madugtungan ang istorya ng iyong buhay. Magagawa mo ang ending na gusto at nais mo. Mababago mo ang lahat, sapagkat ikaw ang bida.

Kung sa imahinasyon ikaw ang bida, sa panaginip hindi lang ikaw ang bida. Kalaban mo ang iyong takot. Kung nananaginip ka ng kababalaghan o katatakutan, iyon ay dahil kapapanuod mo lang ng pelikulang ganoon ang tema. Pero kalimitan ay dala iyon ng iyong mga takot sa buhay. Kung nanaginip ka naman na galit 
na galit ka sa isang tao, iyon ay dahil may kinikimkim ka sa iyong damdamin na hindi mo kayang ilabas. Pero hindi naman ibig sabihin ay doon ka din galit sa taong iyong napanaginipan. Kadalasang hindi mo lang ito kayang iiyak. 

Sa panaginip, kagaya ng imahinasyon, nagagawa mo din ang mga bagay na imposibleng mong magawa. e.g. makalipad, makapagmaneho ng kotse, motor at barko, makapagpalipad ng eroplano kahit hindi ka naman marunong sa totoong buhay, makahinga sa ilalim ng tubig, makahalubilo ang ilang artista, minsan ay maging karelasyon mo pa sila, nagiging ikaw ang hindi naman ikaw, nakakalaban mo ang mga aswang habang inuusal ang latin na dasal na sa totoong buhay ay alam mo, etc. Sabi nila, ang mga bagay na iyon daw ang "frutrations" mo sa buhay. 

Sa panaginip, kung ano daw ang iniisip mo bago ka matulog o kung may bumabagabag sa iyo, iyon ang kadalasang dumadalaw sa iyong panaginip. Kapag may problema ka daw, kalimitan ang panaginip mo ay may kaugnayan dito. Kaya kung gusto mo na mapanaginipan ang tao mong mahal, isipin mo siya. Ginawa ko na iyon, pero minsan hindi umeepekto sa akin. At hindi ko alam kung bakit hindi sa lahat ng tao ay puwede mangyari iyon. Kung napanaginipan mo naman daw ang tao mong mahal kahit hindi mo siya iniisip, ibig sabihin noon, ikaw ang iniisip niya. 

May nagsasabi, kalimitan ay matatanda na, ang panaginip daw ay kabaligtaran ng totoong mangyayari. Ang kasal, kamatayan and vice versa. Meron naman na ito daw ay isang babala sa posibleng mangyari sa hinaharap. Kaya ba may tinatawag na "deja vu"? Pero posible daw na hindi dahil sa narating mo na ang isang 
lugar o nagawa mo na ang bagay na iyon sa isang panaginip kaya may "deja vu". Pero sabi ng iba, ito daw kalimitan ay dahil sa iyong "past life". Dito pumapasok ang "reincarnation" at "old soul".

"Kung ikaw ay isang panaginip, ayoko nang magising." Katulad ng lirikong nabanggit, posible ba na mabuhay ka sa isang panaginip? May nakaisip na nang bagay na ito. Alam kong madami na. Ang ilan ay ang mga tao sa likod ng isang pelikula, ang "Inception". Istorya ito tungkol sa panaginip na hinaluan ng imahinasyon. Panaginip sa loob ng isang panaginip at ng isa pang panaginip. Ipinakita dito na kaya nating kontrolin ang ating panaginip base sa kung ano ang gusto natin. Nagawa dito ng bida na buhayin ang taong mahal niya na sumakabilang buhay na. Kahit ipinagbabawal na isama mo ang iyong nakaraan. 

Nabanggit dito ang katagang "kick". Nararanasan natin ito. Ito yung oras na nahuhulog tayo sa panaginip at nagigising tayo na gulat na gulat. Kapag napapasipa tayo pagkagising, iyon na iyon. Hudyat na kelangan na nating gumising. Pero sa ibang tao, iba ang interpretasyon nila dito. Ito ang tinatawag nilang pagpasok sa katawan ng isang tao ng kanyang "aura". 

Sa dinami-dami na nang aking naging panaginip mula pagkabata hanggang sa ngayon na malapit na akong maging trenta y uno, may mga katanungan pa din sa aking isipan na naghahanap ng kasagutan. Hindi naman basehan ang edad at experience para masagot mo ang lahat ng tanung tungkol sa lahat ng bagay. Gaya ng sabi ng iba at tama naman sila, "You are not suppose to know everything. There are things that you know but others do not. But it doesn't mean that you have to stop learning." 

1. Bakit nga ba tayo nananaginip? 
2. Bakit may mga taong hindi nananaginip?
3. Bakit hindi natin magawang ikuwento ng detalyado ang isang panaginip?
4. Naranasan mo na ba na kumakain ka sa iyong panaginip?
5. Ang panaginip ba ang isang paraan ng teleportasyon?
6. Nakakapanaginip din ba ang mga taong "comatose"?
7. Naranasan mo ba na akala mo ay gising ka na sa iyong pagtulog pero nananaginip ka pa din pala? 
8. Ito na ba ang umpisa ng "inception"? Hindi mo pa nga lang alam kung paano kontrolin kaya may mga taong binabangungot?
9. Bakit may taong hindi natin mapanaginipan?
10. Bakit may mga taong nagiging parte ng isang panaginip kahit hindi mo pa naman siya nakikita o nakikilala sa totoong buhay?
11. Bakit may mga pangalan sa panaginip na ating nababanggit?
12. Bakit kalimitan sa panaginip hindi mo kita ang mukha ng isang tao?
13. Bakit noong bata ka pa, hindi mo nararanasang managinip na katulad ng aking nabanggit sa bilang 10 at 11?
14. Bakit sa panaginip ay nagiging pilay ka kahit hindi?
15. Bakit ba siya tinawag na panaginip at hindi imahinasyon?

Nakaranas lang ako na makakain  sa panaginip, nasa kolehiyo na ako. Kalimitan kasi noong bata ako ay nagigising na kaagad ako kapag eksaktong isusubo ko na ang pagkain na hawak hawak ko. Ang hindi ko lang magawa sa panaginip magpahanggang ngayon ay ang abutin ang kahit anong bagay na iniaabot sa akin. Nagigising na kagad ako. Ibig sabihin, hindi lang pagtalon ang senyales na kelangan mo nang gumising, pati pag-abot ng isang bagay at pagkain ng pagkain na nasa iyong mga kamay. Nagawa ko na rin na magising sa isa muling panaginip. Ito iyong tipong, alam ko na bumangon na ako pero hindi ko gasinong maimulat ang aking mga mata. Basta alam ko sa sarili ko na gising na ako. May pagkakataon naman na gustong gusto kong bumangon pero hindi ko magawa. Gusto kong makita ang mukha ng taong pumipigil sa akin pero hindi ko maimulat ng husto ang aking mga mata. Nakikipaglaban ako sa dilim at nagawa ko itong mapigilan sa gusto niyang gawin sa akin. Natalo ko siya sapagkat ako ay nagising na pagod na pagod at ramdam ko na parang totoo ang lahat. Malinaw sa akin, nakaranas na ako na bangungutin at nalalabanan ko ito. May pagkakataon naman na gustong gusto ko na mapanaginipan ang isang tao na kilala ko at nakita ko na ng personal pero tanging mahal niya sa buhay ang aking nakakasama sa panaginip, taong hindi ko pa nakikita ng personal. Kakapagtaka hindi ba? Nagagawa ko na din na makakita ng mukha ng isang tao na tanging sa panaginip ko lang nakita. Kalimitan kasi sa aking panaginip ay mga kakilala ko lang ang nakikita ko ang mukha, ang hindi ko kilala, pawang may dilim sa kanilang mukha. Naranasan ko na din sa minsang pagkakataon na magbanggit ng pangalan ng isang taong hindi ko kilala. Malimit akong managinip na nawawalan ako ng tsinelas o kahit anong pangpaa na suot ko, nakakatakbo ako ng mabilis hindi gamit ang aking mga paa pero para akong nakasakay sa isang maliit na bagay na may gulong, nakaupo ako doon at kamay ko ang nagsisilbing tagatulak sa lupa para makatakbo ako pausad. May pagkakataon naman na kahit anong pilit kong tumakbo o lumakad ng mabilis, hindi ko magawa, para kasi akong pilay, mahina ang tuhod. Nagigising ako, nakabaluktot, at hindi ko maiunat ang tuhod. Iyon na siguro iyon. Nang dahil sa posisyon ng aking paa sa aking pagtulog. 

Hindi ko na namalayan kung anong oras na ako nakatulog kagabi. Malamang hating-gabi na iyon. Wala pang alas diyes ng gabi ay nakahiga na ako sa aking kutson. Ilang beses ko nang ipinikit ang aking mga mata pero hindi pa rin makatulog ang gising kong diwa. Umabot sa puntong kung anu-ano na ang pumapasok sa aking isipan. Kung may hawak lang akong papel at kahit anung puwedeng ipanulat, malamang ay nakabuo na ako ng isang istorya. Malabo lang ang ending. Siguro dahil kapag dumarating na sa puntong malapit na ung ending, biglang nawawala sa isip ko ang kuwento. Alam siguro ng isip ko na pangit ang ending. 

HIndi pa din ako tigilan ng pagsakit ng ulo at likod.

Ano nga ba naging panaginip ko kagabi? Iisa naman palagi ang aking iniisip sa mga nagdaang araw. Bakit hindi ko maalala? Baka hindi lang talaga ako nanaginip.

092410

No comments:

Post a Comment